LEGAZPI CITY- Inilibing na ng mga tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Bicol ang namatay na giant sperm whale na nastranded sa baybayin ng Barangay Suba, Dimasalang, Masbate.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Nonie Enolva ang tagapagsalita ng BFAR Bicol, naging pahirapan ang pagbuhat sa balyena na may habang 11 metro at bigat na 20 hanggang 30 metric tonnes kung kaya napagdesisyonan na sa mismong dagat na lamang ito ilibing.
Nilagyan umano nila ito ng tali at mga pabigat saka dinala sa malalim na bahagi ng dagat ang katawan ng balyena upang magsilbi na rin na pagkain sa ibang marine animals.
Hindi na nakapagsagwa pa ng necropsy sa sperm whale ang BFAR subalit pinaniniwalaan na ang fish net na nakatali sa ibabang panga nito ang dahilan kung kaya hindi na nakakain pa ang hayop hanggang sa mamatay.
Payo naman ng opisyal sa publiko na agad na ipagbigay alam sa kanilang opisina sakaling mayroong kaparehong insidente ng stranding upang agad na marespondehan.