LEGAZPI CITY – Tatalakayin sa mangyayaring pulong ng Regional Tripartite, Wages and Productivity Board V sa Marso 22 ang pagtutuloy ng naudlot na pagtataas ng minimum wage sa Bicol, dalawang taon na ang nakakalipas.

Kung babalikan, nagsumite ng Wage Order No. 20 ang RTWPB 5 sa central office para sa paghingi ng permiso na maitaas sa minimum wage sa Bicol mula sa P310 patungong sa P335 subalit na-defer dahil sa pandemiya.

Kasunod na rin ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na i-hold muna ang wage increase.

Ayon kay Raymond Escalante, supervising labor employment officer ng RTWPB 5, tatalakayin ang hakbang sa board meeting na dadaluhan ng regional director ng Department of Labor and Employment (DOLE), National Economic and Development Authority (NEDA) at Department of Trade and Industry (DTI) kasama ang dalawang labor at management representatives.

Abiso ni Escalante sa publiko na hintayin muna ang magiging desisyon ng RTWPB 5.

Nabatid na Bicol ang ikalawa sa mga rehiyon sa bansa na may pinakamababang minimum wage.