LEGAZPI CITY- Mas mataas na bilang ng Pyroclastic Density Current (PDC) o Uson at Rockfall events ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa bulkang Mayon kumpara sa nakaraang mga buwan.

Ito ay base sa monitoring ng ahensya sa nakalipas araw sa loob ng 24 oras at kahapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mariton Bornas, Chief of Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), Martes, alas-5 ng umaga hanggang kahapon ng umaga nang makapagtala ng 53 na mga uson habang kahapon ng umaga hanggang alas-4 ng hapon ay umabot agad sa 47 ang nadetect ng kanilang mga instrumento.

Maliban dito, ang rockfall events ay umabot din sa 226 sa loob ng 24 oras na monitoring, habang nagpapatuloy ang lava flow.

Inihayag din ng opisyal na ang naturang bilang ng rockfall events at uson ay ang pinakamaraming naitala sa bulkang Mayon kung ikukumpara noong Hunyo, ngunit agad namang nilinaw ni Bornas na maliliit lamang ang mga ito.

Kaugnay nito, hanggang ngayon ay ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa loob ng 6 km radius permanent danger zone ng bulkang Mayon dahil sa nananatiling nasa Alert Level 3 ang status nito.