LEGAZPI CITY – Idineklarang “No Man’s Land” ang dalawang purok sa Brgy. San Roque, Malilipot, Albay matapos ang malaking soil erosion na naganap.

Higit 100 pamilya o higit 400 indibidwal ang inilikas sa Sam Roque Elementary School dahil pasok ang mga ito sa 50-metro buffer zone sa critical area, batay sa assessment ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) Bicol.

Ayon kay Malilipot MDRRMO head Engr. Alvin Magdaong sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi na rin pinapayagan ang mga residente na matulog sa kanilang bahay subalit paminsan-minsan may ilang nakakabalik para kunin ang mga gamit.

Malaking banta umano sa mga residente ang patuloy pang pagbigay ng malambot na lupa, lalo pa’t napag-alaman na ang mismong barangay ay pyroclastic deposits ng Bulkang Mayon.

Samantala, may tatlong lugar nang tinitingnan na magsisilbing relocation site ng mga ito subalit isasailalim pa sa pagsusuri ng MGB Bicol upang matiyak na ligtas na tirahan ng mga residente.

Lubos naman ang pasasalamat ng opisyal sa mga patuloy na nag-aabot ng tulong sa mga apektadong residente.