LEGAZPI CITY – Naka-recover na ang nag-iisang Pilipino na nagpositibo sa coronavirus disease sa African country na Mozambique.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Philippine Honorary Consul to Mozambique Donald Tulcidas, nakalabas na rin ng pagamutan ang Pinoy na una nang nabatid na nagtatrabaho sa isang Italian company na nagi-export ng produktong petrolyo.
Hiling naman umano nito na makauwi na ng Pilipinas upang makasama ang pamilya lalo pa’t tumagal umano ng 35 days ang pag-isolate sa OFW.
Ayon kay Consul Don, maghihintay muna ng lima hanggang anim na araw para sa sweeper plane na maghahatid dito sa bansa.
Sa kabilang dako, handa na rin umano ang planong repatriation sa ibang Pinoy sa lugar sakaling lumala pa ang sitwasyon.
Disiplinado naman aniya ang mga Pilipino na nasa Mozambique at istriktong sumusunod sa ipinatutupad na health safety protocols.
Sa ngayon nasa 200 na ang mga nagpositibo sa COVID-19 sa Mozambique kung saan 46 ang naka-recover at walang naitalang nasawi sa sakit.