LEGAZPI CITY – Nagsimula na namang dumagsa ang mga pasahero sa Matnog Port sa Sorsogon ilang araw bago ang pagsalubong ng Bagong Taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Matnog Port Acting Division Manager Achilles Galindes, umaabot na sa 6,000 ang mga pasahero bawat araw habang nasa mahigit 1,000 naman ang units ng rolling cargoes.

Inaasahang madadagdagan pa ang naturang bilang ngayong darating na weekend dahil wala ng trabaho ang ilan.

Kaugnay nito, nanawagan si Galindes sa mga biyahero lalo na ang mga may kasama na huwag humiwalay at laging bantayan.

Kasunod ito ng naitalang insidente noong Pasko sa pantalan kung saan nagkahiwalay ang mag-amang pasahero at hindi na nagkita dahil sa dami ng tao hanggang sa makasakay ng barko.

Nilinaw naman ng opisyal na parehong nasa maayos na kalagayan na ngayon ang mag-ama at nakabalik na sa kanilang bahay.

Umaasa si Galindes na hindi na maulit pa ang naturang insidente lalo pang libo ang pasaherong dumadagsa sa pantalan, kaya abiso sa mga biyahero na mag-doble ingat at bantayan ng maigi ang mga kasama lalo na kung bata at matanda.