LEGAZPI CITY – Ikinatuwa ng Associated Labor Unions (ALU) – TUCP ang plano ni returning Senator Jinggoy Estrada na muling ihahain sa susunod na Kongreso ang Anti-End bill.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay ALU-TUCP spokesperson Alan Tanjusay, magandang senyales ang naturang hakbang para sa mga manggagawang contractual, contract of service o limang buwan lang ang kontrata sa trabaho.

Aniya sa 43 million na manggagawa sa bansa, 25 million o 53% ang mga contratual at contract of service.

Nangangahulugan lamang ito na tanging ang mga negosyo lang ang umaangat, subalit ang mga empleyado ay hindi regular at nananatiling mahirap.

Para kay Tanjusay, oras na maihain ni Estrada ang Anti-Endo bill malaki ang posibilidad na sumigla ang ekonomiya at mas magiging produktibo ang mga manggagawa.

Hindi na rin mapipilitan na mangibang bansa ang mga Pilipino para mayroong maibigay na suporta sa pang-araw-araw na pangangailan ng pamilya.

Hiling ni Tanjusay kay Presidente Ferdinand Bongbong Marcos Jr. at sa lahat ng opisyal ng pamahalaan na magtulungan at dinggin ang mga hinaing ng bawat sektor para sa ikaaasenso ng bawat isa.