LEGAZPI CITY—Nasunog ang isang motorsiklo sa kahabaan ng Maharlika Highway partikular na sa Purok 3, Barangay San Rafael, Guinobatan, Albay.


Ayon kay Bureau of Fire Protection Guinobatan, Investigator, Senior Fire Officer 3 Randy Palivino, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na ayon sa may-ari ng sasakyan, nawalan umano ng power ang kanyang motorsiklo.


Sinuri umano ng may-ari ang makina ng motorsiklo nang huminto ito, ngunit nang subukan niyang i-restart ang sasakyan ay tuluyan nang lumiyab ito.


Dagdag pa ng driver, bago ang insidente ay ipinaayos niya ang electrical system ng sasakyan ilang linggo nang nakalilipas.


Ayon sa opisyal na posibleng electrical short circuit ang sanhi ng pagliyab dahil sa ginawang modification ng electrical system ng motorsiklo.


Sinabi pa ni Palivino na totally burned ang sasakyan at nagtamo ng pinsalang aabot sa P9,500.


Samantala, pinayuhan ng opisyal ang mga motorista na huwag ipag-modify ang electrical system ng kanilang mga sasakyan at kung hindi naman maiiwasan ay ipaayos ito ng mga awtorisadong electrician na nakakaalam ng kondisyon ng kanilang sasakyan.