LEGAZPI CITY—Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad matapos masunog ang isang motorsiklo malapit sa isang gasolinahan sa Barangay Kimantong, Daraga, Albay.
Ayon kay Bureau of Fire Protection Daraga Investigator Senior Fire Officer 1 Felam Jacob, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, base sa CCTV footage sa lugar, tatawid na sana ang driver ng motorsiklo patungo sa isang kalye, ngunit bigla umanong nagliyab ang bahagi ng makina ng kanyang motorsiklo.
Habang sinusubukan ng driver na apulahin ang apoy ng kanyang sasakyan, tinulungan ito ng mga residenteng naroroon sa insidente katuwang ang mga tauhan ng gasolinahan.
Sinabi rin ng opisyal na hindi nila alam kung saan na pumunta ang driver nang hinahanap na nila ito.
Hindi rin aniya matukoy ang mukha ng driver sa kuha ng CCTV at hindi rin masabi kung nasugatan ito.
Ayon kay Jacob, na-fire out na ang insidente nang ito ay nai-report sa kanilang ahensya at ayon sa kanila ay partially burned ang motorsiklo.
Aniya, ito na ang ika-17 insidente ng sunog na naitala ngayong taon sa nasabing bayan.
Samantala, patuloy ang pagsasagawa ng nasabing opisina ng mga seminar, inspeksyon sa mga establisyimento at terminal, safety awareness campaign para maiwasan ang mga ganitong insidente.
Binalaan din ng opisyal ang publiko na kung hindi sila marunong mag-ayos ng mga wirings sa bahay, maaari silang pumunta sa mga lisensiyadong electrician o engineer upang tingnan kung nasa maayos pang kondisyon ang mga ito.
Gayundin na huwag pabayaan ang mga nilulutong pagkain, at huwag hayaang maabot ng mga bata ang mga flammable materials katulad ng posporo o kandila.
Abiso naman nito sa mga motorista na palaging inspeksyunin ang kanilang mga sasakyan at magdala ng fire extinguisher upang agad na maapula ang apoy sakaling magkaroon ng sunog.