LEGAZPI CITY- Mas lumakas pa ang pwersa ng Mobo Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa lalawigan ng Masbate sa pagresponde sa panahon ng kalamidad.
Ito ay kasunod ng pagdami ng mga volunteers dahil sa pagsasagawa ng lokal na pamahalaan ng mga training sa mga residente upang makatuwang sa panahon ng emerhensya.
Maliban kasi sa mga partner na mga uniformed personnel ay pinalalakas rin ang mga barangay sa emergency response.
Ayon kay Mobo Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office head Richard Lupango sa panayam ng Bombo Radyo Legapi na simula pa noong 2022 hanggang 2023 ay may mga high school studensts at mga kabataan na ang isinasailalim sa trainings.
Paliwanag ng opisyal na target nila na kada household ay mayroong kahit isang indibidwal na may kapasidad sa pagresponde sa kalamidad at emergency situation upang hindi maging problema ang pagbibigay ng asistensya ng lokal na pamahalaan.
Dagdag pa nito na nais nilang magkaroon ng participatory community.
Iginiit ni Lupango na kinakailangan na maihanda ang publiko sa pagiging resilient upang hindi lamang ang lokal na pamahalaan ang umaaksyon.