LEGAZPI CITY- Personal na naglilibot ang mga guro ng Donsol West Central School sa Sorsogon upang magturo sa mga estudyante sa gitna ng pandemya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Ryan Homan ang principal ng naturang paaralan, sakay ng tricycle nililibot ng mga guro ang mga komunidad kung saan maraming mga estudyante na nangangailangan ng tulong sa pag-aaral.

Hindi lang simpleng tricycle ang kanilang gamit dahil kompleto ito ng telebisyon, mga laptop, at mga reading materials.

Ayon kay Homan, tinawag ang programang ito na mobile e-hub na nabuo sa tulong ng Yellow Boat of Hope Foundation na nag-donate ng nasabing mga gadgets at sasakyan.

Malaki rin ang naitutulong ng programa kung sain karamihan sa mga naseserbisyuhan ang mga mag-aaral sa high school at lalo na ang mga nasa kolehiyo.

Mayroon din na mga estudyante sa elemantarya ang natutulungan ng e-hub sa pagsagot sa mga modules.

Maliban dito, nagbibigay din ang paaralan ng mga gadgets sa mga estudyanteng volunteers na labis na nangangailangan.

Target ng principal na mas marami pang mga estudyante ang matulungan ng programa at mas marami pang lugar ang kanilang marating.