LEGAZPI CITY—Patay ang isang miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) matapos ang armadong komprontasyon sa Barangay San Carlos, Palanas, Masbate.

Ayon kay Palanas Municipal Police Station Chief of Police Police Captain Nick Belbes, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, batay sa kanilang imbestigasyon, habang isinisilbi ang warrant of arrest ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Masbate, bigla umanong bumunot ng baril at nagpaputok ang nasabing indibidwal sa tropa ng gobyerno.

Naisugod pa sa ospital ang nasabing persona ngunit hindi na ito naisalba pa.

Kinilala ito na si Joey Oas y Salutaga, alyas “Wewe,” 26-anyos, may asawa, magsasaka at residente ng nasabing barangay, miyembro ng SPARU unit ng SLG South sa ilalim ni Rogelio Suson alyas “Manong,”.

Nahaharap ito sa kasong murder base sa warrant of arrest na ipinalabas ni Hon. Judge Teofilo Barruga Tambago ng Regional Trial Court Branch 49, Cataingan, Masbate noong Mayo 8, 2025.

Narekober din sa nasabing indibidwal ang isang kalibre .45 na pistol na may markang “COLT,” walang serial number, at isang magazine.

Dagdag ng opisyal na ang namatay na indibidwal ay matagal nang miyembro ng Communist Terrorist Group.

Samantala, sinabi rin ni Belbes na hindi titigil ang kanilang tanggapan sa pagsusulong ng kapayapaan at kaayusan lalo na sa lalawigan ng Masbate.