LEGAZPI CITY—Idineklarang drug-cleared municipality ang bayan ng Milagros, Masbate sa isinagawang Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing Program deliberation sa Philippine Drug Enforcement Agency Headquarters sa Camp Ola, Legazpi City, Albay.

Ayon kay PDEA Bicol Public Information Officer Carlo Fernandez, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang nasabing deliberasyon ay pinangunahan ni PDEA Regional Office V Regional Director, Atty. Jacquelyn L. De Guzman na sinamahan ng komite mula sa mga kinatawan ng Department of Health, Department of the Interior and Local Government at Philippine National Police.

Sa nasabing deliberasyon, nirepaso ang mga dokumentong isinumite ng Milagros, Masbate at pagkatapos ng mga serye na katanungan, nakuntento aniya ang komite na kumpletong nakapag-comply ang nasabing lugar at kalaunan ay idineklara na ito bilang drug-cleared municipality.

Dagdag pa ni Fernandez, nasa 60% nang drug-cleared ang lalawigan ng Masbate.

Nakatakda ring isagawa sa Setyembre 20 ang susunod na Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing Program deliberation ng ahensya.

Samantala, patuloy naman ang mga isinasagawang inisyatiba at programa ng PDEA upang maging drug-free ang rehiyon ng Bicol at maging ang buong Pilipinas.