LEGAZPI CITY- Blangko pa ang mga otoridad sa pagkakakilanlan ng mga suspek na tumangay sa cellphone ng ilang mga menor de edad sa Barangay Comun, Camalig, Albay.
Ayon kay Kapitan Arthur Namia sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kahit pa nahagip sa CCTV ang ginawa ng riding in tandem suspect ay mahirap makilala ang mga ito dahil nakasuot ng raincoat at helmet.
Maalala na noong nakaraang linggo ay sinamantala ng mga suspek ang malakas na mga pag-ulan upang maisagawa ang krimen.
Naglalaro umano ng mobile games ang nasa limang mga kabataan sa harap ng isang sarong grocery store ng tumigil ang dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo at lapitan ang mga biktima.
Dito na nilapitan ng mga suspek at tinutukan ng baril ang mga menor de edad na kabayaan at tinangay ang kanilang mga cellphones.
Duda ng opisyal na posibleng minanmanan ng mga suspek ang aktibidad ng naturang mga kabayaan saka binalikan upang biktimahin.
Samantala, aminado naman si Namia na hindi araw araw na nakakapag patrolya ang mga barangay tanod lalo pa at kulang rin sa pondo ang kanilang barangay.