LEGAZPI CITY- Napilitan na mag-emergency landing ang isang three-seater chopper sa Barangay Manawan, Camalig, Albay.
Ayon kay Camalig Mayor Caloy Baldo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na lumabas sa inisyal na impormasyon na nag-zero visibility kaya napilitan ang naturang sasakyang panghimpapawid na mag-emergency landing.
Matatandaan kasi na nakakaranas ng mga pag-ulan ang lalawigan ng Albay sa nakalipas na mga araw dahil sa epekto ng shearline.
Agad naman na nagpadala ng mga kapulisan sa lugar upang siguruhin ang seguridad ng sakay ng naturang sasakyang panghimpapawid.
Nabatid na ang naturang chopper ay pag-aari ng Philippine Airforce.
Ayon sa alkalde na patungo sana ang naturang chopper sa compound ng Tactical Operations Group 5 subalit pinili na lamang na pansamantalang mag landing sa bayan ng Camalig upang maiwasan ang anumang hindi inaasahan na insidente.
Samantala, ayon kay Baldo na ligtas naman ang tatlong mga Airforce personnel na sakay ng naturang chopper.
Ipinagpapasalamat naman ng alkalde ang maagap na pasya ng piloto ng chopper upang hindi na maulit ang nangyaring trahedya noong bumagsak ang isang Cessna plane malapit sa crater ng bulkang Mayon.