LEGAZPI CITY- Pinasimulan nang ilikas ng mga otoridad sa Batangas ang mga residente na nakatira malapit sa Bulkang Taal kaugnay ng muling pag-aalburoto at pagtataas ng alerto sa Alert Level 3 o magmatic unrest.
Ayon kay Agoncillo MDRRMO head June France De Villa sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nasa 30 indibidwal agad ang nag-voluntary evacuation habang patuloy pang nadaragdagan ang bilang ng mga lumilikas.
Nangangamba umano ang mga ito lalo na ang nasa coastal barangays sa panganib na dulot ng mga aktibidad ng Taal.
Sa Tanauan City, nakaalerto na rin ang disaster response cluster habang pinaigting ang pagbabantay upang matiyak na walang makakalusot sa danger zones.
Saad ni Jerry Laresma, city information officer ng Tanauan na bukod sa pagpapalikas ng mga residente sa 7-km Permanent Danger Zone, nagpapatrolya rin ang mga barangay officials at kapulisan.
Namigay na rin ng N95 mask bilang proteksyon kontra sa makapal na abo at usok mula sa bulkan.
Kahapon ng makapagtala ng phreatomagmatic eruption ang naturang bulkan dahilan upang magtaas ng alerto ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology at magrekomenda ng evacuation.