LEGAZPI CITY- Nananawagan na ngayon sa gobyerno nasyunal ang mga residente ng Brgy. Almojuela sa Viga, Catanduanes dahil sa halos tatlong linggo na umanong pagbaha.
Ayon kay Domingo Mabborang ang kapitan ng nasabing barangay sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, napapalibutan ng ilog at mga creek ang kanilang lugar kung kaya’t mahirap para sa lahat ng mga residente kung patuloy ang pag-ulan dahil agad itong nauuwi sa pagbaha.
Nahihirapan na umano ang karamihan na makapunta sa kani-lkanilang trabaho, maging ang mga produkto na dapat ay ipagbibili sa karatig na mga lugar ay hindi na kayang maitawid pa.
Paliwanag ng opisyal, barado at umaapaw ngayon ang spillway na nagugung rasin ng pagbaha sa kanilang brgy.
Dahil dito, apektado ang 185 households o halos 1,000 na mga residente, habang nawash-out naman ang karamihang naitanim ng mga magsasaka sa lugar.
Ani Mabborang, kahit ang mga dapat na tulong sa kanila ay hindi agad naitatawid dahil sa malakas na agos ng tubig-baha.
Kaugnay nito ay nanawagan na sa national government ang opisyal na maaksyunan na ang spillway o di kaya ay makapagpatayo ng hanging bridge sa lugar upang mas madaling makakatawid ang mga residente.