MAYON VOLCANO

LEGAZPI CITY—Sa kabila na nananatili sa 7-kilometer hanggang 8-kilometer extended danger zone ng bulkang Mayon, nananawagan ngayon ang mga residente ng Barangay Quirangay, Camalig, Albay ng relokasyon dahil sa epekto ng ashfall mula sa bulkan.


Ayon kay Kapitan Elmer Grageda ng Barangay Quirangay, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na pareho rin umano ang ang nangyayari sa kanilang lugar sa mga nasa 6-kilometer permanent danger zone ng bulkan kung saan nararamdaman nila ang epekto ng pagbuga ng abo ng Mayon.


Giit nito nakakaawa rin ang mga residenteng nahihirapang huminga lalo na ang mga may hika at sakit sa puso na nakakalanghap ng abo mula sa bulkan.


Gayunpaman, kasalukuyan nilang sinusunod ang payo ng mga ahensya na hangga’t hindi tumataas sa Alert Level 4 ang bulkan ay hindi magisisilikas ang mga nasa 7km-8km extended danger zone.


Samantala, inirekomenda rin ng opisyal ang pagsasagawa ng flushing sa mga kalsadang apektado ng ashfall upang maiwasan ang pagkalat nito o paglanghap ng ibang mga dumadaan sa kanilang lugar.


Hinimok din niya ang mga residente ng nasabing barangay na laging maging doble ingat, at maging alerto anumang oras dahil sa nagpapatuloy na aktibidad ng bulkang Mayon.