LEGAZPI CITY – Kinabiliban ng publiko ang mga kapulisan sa lalawigan ng Sorsogon dahil maliban sa pagbibigay ng seguridad, tinuturuan din ang mga estudyante sa kanilang mga modules.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PLt. Francis Torres ng Sorsogon 2nd Provincial Mobile Force Company, sinimulan ng kanilang kapulisan ang naturang programa mula ng magpatupad ng distance learning sa gitna ng pandemya.
Personal na pumupunta sa mga barangay ang mga miyembro ng kapulisan at tinitipon ang mga mag-aaral upang sabay-sabay na maturuan ng mga leksyon sa kanilang modules.
Aniya, hindi basta-basta ang kanilang pagtuturo dahil rehistradong guro at board passer ang mga PNP personnel na nagsasagawa ng programa.
Isinasagawa ang pagtuturo ng mga pulis tuwing Sabado at Linggo mula alas-3:00 ng hapon at tumatagal ng nasa tatlong oras.
Malaki rin ang suportang ibinibigay sa kanila ng mga magulang ng mga estudyante at labis ang pasasalamat dahil nakakatulong kahit papano sa pag-aaral ng kanilang mga anak.
Umaasa si Torres na sa pamamagitan ng programa mas mapalapit ang loob ng mamamayan lalo na ng mga kabataan sa kapulisan, dahil hindi lamang aniya sa pagbibigay ng seguridad natatapos ang kanilang tungkulin.