LEGAZPI CITY – Dagsa na ang mga nagsusumite ng application sa Department of Labor and Employment (DOLE) Bicol upang maka-avail ng financial assistance para sa mga formal workers na naapektuhan ng ipinatupad na enhanced community quarantine sa Luzon.
Batay sa DOLE COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP), makakatanggap ng P5, 000 na lump sum na tulong ang mga private employees na naapektuhan o pansamantalang nagsara ang kumpanya habang employer ang magsusumite online ng mga requirements kagaya ng establishment report at company payroll.
Abiso lang na maging maingat sa pagsumite ng mga dokumento na isasailalim sa evaluation upang hindi makalusot ang mga “bogus businesses”.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DOLE Bicol information officer Johanna Vi Gasga, bukas rin ang ahensya sa tulong para sa mga displaced informal workers na Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers: Barangay Ko, Bahay Ko (TUPAD BKBK).
Kabilang sa mga kwalipikadong benepisyaryo nito ang mga underemployed, self-employed o iba pang naapektuhan at nawalan ng kabuhayan.
Sa ilalim ng programa, tutulong ang mga ito na maglinis at mag-disinfect ng paligid sa loob ng apat na oras sa isang araw na hanggang sampung araw.
Minimum wage na P310 ang matatanggap ng mga mag-avail.
Dahil bawal ang pagtitipon, bibigyan ang mga ito ng brochure o flyers para sa iba pang papel ng mga makaka-avail ng programa.