LEGAZPI CITY – Mahigpit na pinag-iingat ng mga awtoridad sa Taiwan ang mga residente dahil sa mga aftershocks matapos ang magnitude 7.4 na lindol.

Ayon kay Cathy Bron ang Bombo International News Correspondent sa Taiwan, hanggang ngayon patuloy pang nakakaranas ng mga pagyanig sa Hualien City na umaabot ng hanggang magnitude 3 ang lakas.

Pinakamalakas na ang magnitude 6 na aftershock na naramdaman ilang oras matapos ang malakas na pagyanig.

Ayon kay Bron, base sa abiso ng mga awtoridad, posibleng magtagal pa ng hanggang tatlong araw ang mga aftershocks kung kaya kailangan pa rin ng ibayong pag-iingat.

Nakatutok na sa ngayon ang mga rescuers sa pagresponde sa mga nangangailangan ng tulong lalo na sa mga residenteng naipit sa mga gumuhong gusali at mga nasugatan.

Subalit sa kabila nito, tuloy pa rin ang trabaho ng mga Pinoy sa Taiwan lalo na ang mga nagtatrabaho bilang domestic helpers.

Nagpaabot na rin ng tulong ang gobyerno ng Taiwan habang may dumadating na rin na ayuda mula sa China at Japan.