LEGAZPI CITY- Dagsa sa ngayon ang mga Pilipino na pumipila sa konsulada ng Pilipinas sa Hong Kong upang makahabol sa overseas voting na magtatapos na sa Abril 30.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Yeng Santos na OFW sa Hong Kong, inaabot ng maghapon at hanggang alas 9 pa ng gabi ang pila ng mga nais na makaboto lalo pa’t halos tatlong araw na lang ang natitira bago magtapos ang overseas voting.

Nabatid na bukas ang konsulada tuwing araw ng Lunes at Linggo na siyang day off ng mga Pilipino sa kanilang trabaho.

Ipinagpapasalamat na lamang ni Santos na kahit na papano ay nagawa pa rin nilang makaboto hindi kagaya sa Shanghai na nasa ilalim pa rin ng lockdown kung kaya’t suspendido ang overseas voting.

Samantala, nananatili pa rin na matahimik ang overseas voting sa Hong Kong na wala naman umanong naiuulat na malaking problema.