LEGAZPI CITY- Walang planong umuwi sa Pilipinas ang ilang mga Pilipino sa South Korea sa kabila ng sigalot sa politika sa bansa.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Raymund Racuya na mas malala pa ang nangyari noong COVID-19 pandemic kumpara sa sitwasyon ngayon matapos ang pagbawi sa deklarasyon ni President Yoon Suk-Yeol ng emergency martial law.

Sa kasalukuyan ay nananatili umanong normal ang buhay at trabaho ng mga Pilipino sa naturang bansa.

Sa kabila nito ay aminado si Racuya na kabilang sa mga pinaghahandaan nila ay posibleng pagbaba ng halaga ng Korean won laban sa Philippine peso.

Matatandaan kasi na inihayag ng parliament na umuusad na umano ang impeachment laban kay President Yoon na posibleng maka apekto sa ekonomiya ng bansa.

Dahil dito ay nanawagan ang mga Pilipino sa pamahalaan ng South Korea na gawin ang mas ikakabuti ng mga mamamayan at magpatupad ng maayos na pamamahala upang hindi na madamay maging ang mga Oversease Filipino Workers sa naturang bansa.