LEGAZPI CITY – Balik trabaho na ang mga Pilipino sa Oman matapos ang naranasang malawakang pagbaha.
Ayon kay Maria Magdalena Guno ang Bombo International News Correspondent sa Oman, tumigil na ang pag-ulan at ramdam na ang init ng panahon kung kaya muli ng nagbukas ang mga gusali at balik na ang trabaho.
Subalit hanggang sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang search and rescue operations ng mga awtoridad para sa mga naiulat na nawawala.
Nagtutulongan na rin ang mga residente sa paglilinis ng kanilang mga lugar at pag-alis sa putik at buhangin na naiwan ng baha.
Mayroon na rin na naglilibot na awtoridad na kumukuha sa mga inanod na kotse upang maibalik sa kanilang mga may ari.
Base sa tala ng gobyerno ng Oman, umaabot na sa 20 ang kumpirmadong binawian ng buhay dahil sa baha kung saan karamihan sa mga ito ay na-trap sa kanilang mga sasakyan.
Wala pa namang Pilipino ang naiuulat na nasaktan o nasawi sa nasabing kalamidad.