LEGAZPI CITY- Tila nababahala ang mga Pilipino sa Australia na hindi ikakatuwa ng China ang paglahok ng bansa sa Balikatan exercises na isasagawa sa Pilipinas sa susunod na buwan.
Isa sa mga venue ng aktibidad ay ang Mavulis island na malapit sa teritoryo ng Taiwan.
Una na kasing nagpahayag ng kahandaan na lumahok sa naturang military exercises ang Australia, Estados Unidos at maging ang France.
Ayon kan Bombo International Correspondent Denmark Suede na ang Pilipinas ay itinuturing ng Australia bilang logistical hub kung sakaling magkakaroon ng mga kaguluhan sa anumang teritoryo.
Katunayan ay simula pa aniya noong 2012 ay nagkaroon na ng Visiting Forces Agreement ang Australia sa bansa.
Samantala, ang France naman ay itinuturing na isang Pacific military power na isa sa limang permanent members ng United Nations Security Council.
Sinabi ni Suede na nais lamang ng Pilipinas na protektahan ang exclusive economic zone ng bansa subalit siguradong kikilos rin ang China lalo pa at una na itong nagbabala sa paghahanda sa posibleng digmaan.