
LEGAZPI CITY – Dismayado ang August Twenty One Movement dahil umapit na ang kapaskuhan ngunit wala pang nananagot sa mga pulitikong sangkot sa malawakang korapsyon.
Matatandaang ito ay unang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung saan tapos na umano ang maliligayang araw ng mga sangkot dahil aarestuhin sila bago pa mag-Pasko.
Ayon kay August Twenty One Movement President Volt Bohol sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, pakiramdam nila ay na-scam sila ngunit hindi sila nawawalan ng pag-asa na makakamit ang hustisya at agad na mahuhuli ang mga malalaking isda.
Punto niya na hindi ito nararapat sa mamamayang Pilipino dahil kahit na mayroon nang mga nakakulong na kontratista tulad nina Discaya at iba pang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways, hindi pa rin nananagot ang mga malalaking pulitiko.
Aniya, hindi na maaaring asahan ng kasalukuyang administrasyon na mawawala ang galit ng mga Pilipino at ihahanda na ang kanilang sarili sa 2026 para sa posibilidad ng sunod-sunod na protesta lalo na sa anibersaryo ng People Power Revolution.
Inaasahan ni Bohol na sisingilin ng mga mamamayan ang gobyerno sa unang bahagi ng 2026 at maraming protesta ang magaganap lalo na’t naloko ang mga Pilipino sa pangako ng Pangulo.










