LEGAZPI CITY- Umaabot na sa 1,100 na mga pasahero ang stranded ngayon sa Matnog Port sa Sorsogon matapos na kanselahin ng Philippine Coast Guard ang biyahe ng mga sasakyang pandagat papuntang Visayas at Minadanao dahil sa sama ng panahon na dala ng bagyong Agaton.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Achilles Galindes, acting division manager ng Philippine Ports Authority (PPA) sa Matnog, nasa 500 na pasahero na ang nag-aantay sa loob ng mismong pantalan maliban pa sa 600 na nakapila sa labas.

Mayroon rin na nasa 200 na mga trucks at 100 light vehicles ang nakapila na papunta sa pantalan.

Ayon kay Galindes, inaasahan ng madadagdagan pa ang mga stranded na pasahero lalo pa’t marami na ang bumabiyahe upang makahabol sana sa bakasyon ngayong Hoy Week.

Dahil dito, nakipag-ugnayan na ang opisyal sa mga lokal na gobyerno, Land Transportation Office at Philippine National Police na naglagay na ng mga check points sa boundary ng lalawigan upang harangin na ang mga biyahero at hindi na dumagdag pa sa mga stranded na pasahero.