LEGAZPI CITY- Pumalo pa sa 1,100 na mga pasahero ang stranded ngayon sa Matnog Port sa Sorsogon matapos ipag-utos ng Philippine Coast Guard ang pagkansea sa biyahe ng mga sasakyang pandagat dahil sa sama ng panahon na dulot ng bagyong Agaton.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Achilles Galindes, acting division manager Philippine Ports Authority (PPA) sa Matnog, nasa 500 na pasahero ang stranded sa loob mismo ng pantalan habang nasa 600 ang nakapila sa labas.
Maliban dito ay nasa 200 na mga trucks at 100 na mga light vehicles na rin ang nakapila maungo sa naturang pantalan.
Ayon kay Galindes, inaasahang madadagdagan pa ang mga stranded na pasahero lalo pa kung marami ang magpatuloy ng kanilang biyahe upang makahabol sa mahabang bakasyon ngayong Holy Week.
Dahil dito ay nakikipag ugnayan na ang opisyal sa mga lokal na pamahalaan, Land Transportation Office (LTO) at Philippine National Police para sa paglalatag ng check points sa boundary ng lalawigan upang maabisuhan na ang mga pasahero at hindi na tumuloy pa patungo sa Matnig port lalo pa at hindi naman makakapag biyahe ang mga ito.
Abiso pa ni Galindes sa publiko na habang hindi pa nakakapasok sa Matnog ay ikansela na muna ang biyahe o maghanap ng lugar na pansamantalang matutuliyan habang nag-aantay na gumanda ang kalagayan ng panahon lalo na sa bahagi ng Samar.