LEGAZPI CITY- Pahirapang makasakay ng jeep pauwi, ito ang naranasan ng karamihang pasahero, partikular na ang mga nagtatrabaho at mga estudyante.
Ito’y matapos na hindi na papasukin sa Sorsogon Integrated Terminal Exchange (SITEX) ang mga pampasaherong jeep.
Ayon kay Ramon Dealca, Presidente ng Sorsogon Integrated Transportation Federation (SORINTRAFED) sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nagkaroon ng kaguluhan sa pagitan ng mga tsuper at management ng SITEX.
Kaugnay umano ito ng sinimulan nang implementasyon ng “No payment, No Entry” ng pribadong terminal.
Kwento ni Dealca, mataas ang singil sa kanila at hindi ito kakayanin ng ordinaryong mga driver.
Kasama na rito ang One Time Big-Time na nagkakahalaga ng P5,000 hanggang P25,00 depende sa pa umano sa unit, at ang Quarterly bayad na umaabiot pa ng P1,000.
Maliban pa rito ay hinihingian pa sila ng per dispatch na bayad.
Giit ng transport group, kwestiyonable na Mayo 24 pa lamang nang nakaraang taon ay may Memorandum of Agreement na samantalang wala pa umanong ipinapalabas na ordinansa ang lokal na gobyerno.
Panawagan ng grupo, dapat na sagutin na pamahalaang panglungsod ang isyu at bigyan na ng solusyon lalo pa’t hindi lang umano ang mga jeepney driver ang apektado kundi maging ang mga pasahero.