LEGAZPI CITY – Unti-unti ng bumabalik sa normal ang operasyon ng mga pantalan sa Bicol matapos ang epekto ng bagyong Aghon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Coast District Bicol information officer Coast Guard Ensign Dwan Grace Detoyato, may naitala pa umang stranded partikular na sa Camarines Sur.
Nasa 120 indibidwal pa ang hindi nakakabiyahe sa Calaguas Island matapos maabutan ng sama ng panahon.
Ayon sa opisyal na hindi pa makatawid ang naturang mga indibidwal dahil nananatiling malakas ang alon sa naturang isla.
Sinabi nito na hindi kakayanin ng maliliit na bangka na pumalaot sa gitna ng malakas na alon.
Ipinagpapasalamat naman nito na walang naitalang hindi inaasahang insidente sa kasagsagan ng bagyong Aghon.
Samantala, nanawagan si Detoyato sa mga gumagamit ng maliliit na sasakyang pandagat na sundin ang mga ipinapalabas na abiso ng mga otoridad upang hindi malagay sa alanganin ang kanilang buhay.