MATNOG PORT
MATNOG PORT

LEGAZPI CITY- Nagpatupad na ng heightened alert status ang mga pantalan sa rehiyong Bicol kaugnay ng inaasahang pagbuhos ng mga biyahero ngayong papalapit ang Semana Santa.

Ayon kay Port Management Office Bicol Media Relations Officer Achilles Galindes sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na magsisimula ang aktwal na Oplan Biyaheng Ayos Semana Santa sa Abril 13 hanggang Abril 22 na agad na susundan ng para sa summer vacation.

Sa kasalukuyan aniya ay nakalatag na ang mga tauhan na magsi-siguro sa kaligtasan ng mga pasahero.

Nabatid na nakipag pulong na rin ang mga pantalan sa mga partner agencies kaugnay ng naturang okasyon.

Ayon kay Galindes na sa Matnog port sa Sorsogon, na itinuruting na pinakamalaking pantalan sa rehiyon ay nasa 2,000 hanggang 2,500 ang normal na daily average na mga pasahero subalit inaasahan na dudoble ito sa panahon ng Semana Santa at summer vacation.

Dahil dito ay tinitingnan ang posibilidad na dagdagan rin ang mga vessels na ba-biyahe upang ma-accomodate ang bugso ng mga biyahero.

Samantala, nagpaalala rin ang opisyal sa publiko na iwasan na ang pagdadala ng mga patalim at anumang uri ng armas upang hindi maantala ang kanilang biyahe.