LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Department of Agriculture Bicol na nagsimula na ang pagsalakay ng mga peste sa mga pananim ngayong tag-init.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Agriculture Bicol spokesperson Lovella Guarin, mayroon ng mga natatanggap na report ang tanggapan mula sa mga magsasaka kaugnay sa pagsalakay ng mga peste tulad ng brown planthopper.
Karaniwang inaatake ng mga ito ang mga palay na nagreresulta sa pagkamatay ng mga pananim.
Ayon kay Guarin, agad namang umaksyon ang Regional Crop Protection Center kung saan binigyan ng biocontrol agent ang mga magsasaka.
Subalit kapag marami umano ang sumasalakay na mga peste ay matapang na kemikal na ang ibinibigay ng naturang tanggapan upang mabilis na mapuksa at mabawasan ang pinsala sa mga pananim.
Samantala, tiniyak ni Guarin na nakahanda na ang tanggapan sa pagtugon sa mga ganitong problema at sa posibleng epekto ng El Niño.