Evacuation center
Evacuation center

LEGAZPI CITY – Nakauwi na ang mga inilikas na pamilya sa kani-kanilang mga bahay sa Barangay Puting Sapa sa bayan ng Juban matapos ang ikalawang pagsabog ng Bulkang Bulusan sa Sorsogon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PDRRMO Sorsogon head Engr. Raden Dimaano, kahapon ng simulan ang decampment ng nasa 148 na pamilya na nanatili sa tatlong itinalagang evacuation centers sa naturang bayan.

Wala na aniyang banta sa kalusugan ng mga residente ang abong ibinagsak ng bulkang Bulusan nitong Linggo kaya nagdesisyon na pauwiin na ang mga ito.

Ayon kay Dimaano, hindi na gaanong nabagsakan ng abo ang naturang barangay ng muling pumutok ang bulkan nitong Linggo, kumpara sa unang pagsabog noong Hunyo 5.

Nakatulong din ng malaki ang pagbuhos ng ulan kahapon dahil nalinis ang mga abong ibinuga ng bulkan.

Inabisuhan naman ang mga evacuees na kahit nakabalik na sa kani-kanilang mga bahay, patuloy pa rin na magsuot nin masks upang maiwasan ang respiratory illnesses dulot ng abo mula sa bulkan.

Samantala sa hiwalay na panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kinumpirma ni Dr. Edric Vargas ng Juban MHO na mayroong dalawang senior citizen ang iniwan muna sa isolation facility ng evacuation center.

Ito ay matapos ma-expose sa isang evacuee na nagpositibo sa rapid antigen test sa COVID-19.

Pagtitiyak ni Vargas na walang nakasalamuha ang pasyente sa mga evacuee dahil una na silang naka-isolate at huling dinala sa center ng ilikas.

Naka-confine na ang nagpositibo sa antigen test sa Sorsogon Provincial Hospital habang hinihintay ang resulta ng RT PCR test nito.