LEGAZPI CITY- Malayo pa man ang nakikitang sama ng panahon ay nagpaalala na ang Department of Agriculture (DA)-Bicol sa mga magsasaka sa rehiyon na paghandaan ang posibleng epekto nito sa mga sakahan.

Ito’y matapos na ihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa mga susunod na araw ang bagyong si Mawar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DA Bicol spokesperson Lovella Guarin, nasa 40% ng 160,000 na ektarya ng palay sa rehiyon ang nasa maturity stage na o 85% nang hinog kung kaya’t maaari na ring anihin.

Kaugnay nito, nagbigay na rin ng abiso ang ahensya sa magsasaka sa mga maaari nitong gawin, kabilang na rito ang pakikipagtulungan sa mga Research Outreach Stations sa mga probinsya, mga LGUs at mga kooperatiba o farmers associations upang makagamit ng mga harvesters na magpapadali sa pag-aani.

Maaari din aniyang gumamit ng mga flatbed dryers upang mas madali ring matuyo ang mga maaaning palay.

Dagdag pa ng opisyal, upang maiwasan ang pangambang mabasa ang mga inaning podukto at iba pang mga gamit tulad ng mga palay, abono at binhi, ay agad na hanapin ang Rice Processing Center na maaaring pagdalhan ng mga nabanggit.

Para naman sa mga nagtatanim ng mga gulay at prutas kung kaya na umanong maprodukto, ay mas mabuting anihin na nang mas maaga kaysa sa abutan pa ng ulan at nang posiblene malakas na hangin.

Sa kabila nito sinabi ng opisyal na samantalahin na ang dalang ulan nang nasabing sama ng panahon, lalo pa ngayon na nagkukulang ang tubig sa mga irigasyon dahil sa El NiƱo.