LEGAZPI CITY- Pinawi ng Albay Public Safety and Emergency Management Office ang pangamba ng publiko at sinabing walang malaking epekto ang mga pag-ulan na dala ng Bagyong Egay sa aktibidad ng Bulkang Mayon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay Public Safety and Emergency Management Office chief Dr. Cedric Daep, nagkaroon lang ng pag-apaw sa ilang mga ilog sa paanan ng Bulkang Mayon subalit wala naman na nangyaring lahar flow.
Hindi rin naabot ang rainfall threshold upang tuloyang bumagsak ang mga volcanic materials papunta sa mga danger zones.
Katunayan, sinabi ni Daep na nakatulong pa ang mga pag-ulan upang mabawasan ang mga deposits ng volcanic materials sa bulkang Mayon.
Dahil dito, mababawasan rin ang posibleng epekto ng nasabing volcanic deposits sa mga nananatili sa extended danger zones sa pagpasok ng typhoon season.
Samantala, wala naman na kinailangang ilikas na residente na mula sa extended danger zones dahil wala namang gaanong naging epekto ang bagyo habang maagang nakapaghanda ang mga lokal na gobyerno.