The Tabaco City Disaster Risk Reduction and Management Office clarified the report regarding an Internally Displaced Person (IDP) affected by the eruption of Mayon Volcano who died due to illness a few days after being hospitalized.

LEGAZPI CITY – Nilinaw ng Tabaco City Disaster Risk Reduction and Management Office ang report patungkol isang Internally Displaced Person (IDP) na naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Mayon na namatay dahil sa karamdaman ilang araw matapos maospital.

Ayon kay Tabaco CDRRMO head Gel Molato sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang nasabing indibidwal ay residente ng Barangay Mariroc, Sitio Nagsipit, ay isang bedridden na may stroke kun kaya’t pinili nilang dalhin ito sa Ziga Hospital bilang bahagi ng kanilang protocol dahil hindi siya maaaring dalhin sa evacuation site.

Pagkalipas umano ng ilang araw, nagpasya ang pamunuan ng Ziga Hospital na ilipat ang indibidwal sa Bicol Regional Hospital and Medical Center dahil sa lumalalang kondisyon nito kung saan dito na rin ito binawian ng buhay.

Aniya, kung pagbabasehan ang teknikal na aspeto, ang pagkamatay ng indibidwal ay maituturing na Mayon related incident ngunit hindi rin dapat ideklara na namatay siya sa loob ng evacuation center dahil dinala siya sa ospital dahil sa kanyang karamdaman.

Nakipag-ugnayan din si Molato sa Department of Social Welfare and Development upang iproseso ang kabaong ng namatay na Internally Displaced Person at pagbibigay ng financial support sa naulilang pamilya.

Kasalukuyang nakaburol ang namatay sa Barangay Hall ng Barangay Mariroc dahil hindi siya maaaring ibalik sa sarili niyang bahay dahil ito ay nasa loob ng 6KM permanent danger zone.