LEGAZPI CITY- Pinawi ng mga otoridad ang pangamba ng publiko matapos ang muling pagkaka diskubre ng isang environmental monitoring device sa seawall sa Legazpi City.
Matatandaan na ang naturang device ay personal na itinurn over ng tagapamahala ng Puro Fisher folk Association na si Rosalino Abion sa Bombo Radyo Legazpi.
Agad naman na nakipag-ugnayan ang himpilan sa mga otoridad para sa kaukulang disposisyon.
Ayon kay Regional Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit 5 Chief Police Major Jude Nicolasora sa panayam ng Bombo Radyo na hindi naman magdudulot ng anumang banta sa seguridad ang naturang environmental monitoring device.
Dagdag pa ng opisyal na maihahalintulad ito sa nadiskubre ring device sa lalawigan ng Sorsogon noong nakalipas na linggo, na posibleng US made na ginagamit sa pag-aaral sa karagatan.
Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy naman ang pag-aaral ng mga otoridad sa naturang device upang mabatid kung paano ito napadpad sa karagatang sakop ng Bicol region.