LEGAZPI CITY- May person of interest na ang kapulisan sa insidente ng paghuhukay sa nitso ng isang 82-anyos na lola na kakalibing pa lamang sa Sto. Domingo Public Cemetery sa Albay.
Matatandaan na nabulaga ang isang sepulturero ng tumabad sa kaniya ang kabaong ng biktima na wala na ang yumaong lola.
Ayon kay Albay Police Provincial Office Director Police Col. Julius Añonuevo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na tinitingnan nila ang lahat ng anggulo sa insidente.
Ito ay kasunod ng panawagan ng pamilya ng naturang lola na mabigyan ng hustisya ang pambabastos sa katawan ng kanilang kapamilya.
Samantala, kinumpirma rin ng opisyal na nakarating sa kanila ang ulat na wala na ang saplot pang ibaba ng yumaong lola ng matagpuan ito ng mga otoridad.
Sa kasalukuyan ay may hawak na ring CCTV footages ang Sto. Domingo Municipal Police sa pinangyarihan ng insidente, na inaasahang makakatulong sa isinasagawang imbestigasyon.