LEGAZPI CITY- Itinuturing ng mga kinauukulan na malaking tagumpay ang pagkaka-recover sa mga pekeng sigarilyo na tinangkang ipuslit sa lalawigan ng Albay.

Ito matapos masabat ng mga otoridd ang aabot sa P14.7 million na halaga ng pekeng sigarilyo sa karagatang sakop ng Barangay Marigondon, Pio Duran, Albay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Regional Maritine Unit spokesperson Police Executive Master Sergeant Larry Ayende, nagsasagawa ng maritime patrolling ang mga tauhan ng tanggapan ng maharang ang isang vessel na tinangkang mag-smuggle ng naturang mga counterfeit cigarettes.

Sinubukan pa ng nasa siyam na suspek na tumakas subalit napigilan ito ng mga otoridad.

Dahil dito ay aksidenteng lumubog ang bangka na sinasakyan ng mga suspek kaya nabasa ang ilang kahon ng mga sigarilyo.

Sa kasalukuyan ay patuloy na inaalam ng mga kapulisan ang pinagmulan ang naturang mga pekeng sigarilyo kasabay ng paghahanap sa iba pang sangkot sa iligalidad.