LEGAZPI CITY- Patuloy na tumataas ang bilang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Turkey na nawawalan ng hanapbuhay dahil sa lumalalang krisis sa bansa.
Ayon kay Bombo International Correspondent Irish Espantaleon, maraming mga employers ang nagbawas ng mga empleyado dahil hindi na kayang maibigay ang sahod ng mga ito.
Aniya, maging siya ay isang taon nang walang trabaho at umaasa na lamang sa mga part time jobs upang patuloy na makapagpadala sa naiwang anak sa Pilipinas.
Kwento nito na matapos ang pagmahal ng presyo ng mantika at dahil sa kaguluhan sa pagitan ng Russia at Turkey ay halos triple na rin ang presyo ng iba pang mga pangunahing bilihin.
Halos araw-araw aniya ay nagmamahal ang mga bilihin kabilang na ang presyo ng mga bahay.
Dagdag pa ni Espantaleon na karamihan sa mga Pilipino sa Turkey ay hanggang plano na lang ang pag-uwi sa Pilipinas dahil sa mahal ng ticket.
Nabatid na anim na taon na nitong hindi nakakasama ang anak dahil sa kawalan ng perang gagastusin pauwi ng bansa. Samantala, nagpasalamat naman ito sa mga kapwa Pilipino na tumutulong sa mga OFWs na nahihirapan ang sitwasyon sa naturang bansa.