LEGAZPI CITY- Itinaas na sa alert level 2 ang Bulkang Mayon kasabay ng pagpasok ng bagong taon, kaugnay ng pagtaas ng mga parametrong binabantayan ng mga kinauukulan.
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology Director Teresito Bacolcol sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nakapagtala ng 47 rockfall events simula noong Disyembre 31 hanggang ngayong Enero 1, 2026.
Nangangahulugan umano ito na mayroong umaakyat na magma na tumutulaak paitaas sa mga bato.
Maliban dito ay nakita rin ang pamamaga sa naturang bulkan.
Ayon kay Bacolcol na tatlong scenerio ang binabantayan kabilang na ang pagkakapareho noong 2023 eruption kung saan nagkaroon ng Effusive eruption na tumagal ng anim na buwan, ikalawa naman ang pagkakahalintulad noong 2018 eruption kung saan nagkaroon ng explosive eruption na tumagal lamang ng dalawang buwan, at ikatlong scenario na tinitingnan ang paunti-unting pagkawala ng unrest.
Sa kabila nito, sinabi ng opisyal na hindi pa naman kailangang ilikas ang mga nasa extended danger zone dahil ginagawa lamang aniya ito kung naitaas na sa alert level 3 ang alerto ng bulkan dahil sa banta ng lava flow.
Samantala, mahigpit naman na ipinagbabawal ang anumang human activity sa 6km radius permanent danger zone dahil sa banta ng Mayon volcano.











