LEGAZPI CITY – Nadagdagan pa ang bilang ng mga bahay, paaralan at mga gusali na napinsala dulot ng magnitude 6.0 na lindol sa island province ng Masbate.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Office of Civil Defense (OCD) Bicol spokesperson Gremil Naz, umakyat pa sa 148 na mga bahay ang nasira kung saan 145 ay partially damaged at tatlo ang totally damaged.
Nasa 59 naman na mga paaralan ang nakapagtala ng pinsala kung saan 58 sa Masbate at isa sa Irosin, Sorsogon.
Habang 34 local infrastructure at isang provincial road sa island province ang nasira.
Inaasahan na madadagdagan pa ang naturang mga bilang dahil patuloy pa ang isinasagawang assessment sa mga posible pang naapektuhan ng lindol.
Kaugnay nito, plano ng tanggapan na mag-deploy ng mga tauhan sa Masbate kasama ang Department of Public Works and Highways at Department of Education upang mapabilis ang pagsasagawa ng assessment.
Malaki rin ang pasasalamat ni Naz na walang naitalang casualty sa naturang insidente, subalit patuloy ang paalala na maging alerto pa rin dahil sa mga posible pang aftershocks.
Samantala, napag-alamang nakabalik na ang suplay ng kuryente sa ilang bayan na naapektuhan ng naturang lindol.