LEGAZPI CITY – Nadagdagan pa ang bilang ng mga binawian ng buhay dahil sa diarrhea outbreak sa bayan ng Rapu-rapu sa Albay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Engineer William Sabater, WASH Coordinar ng Provincial Health Office, tatlong buwang sanggol ang panibagong namatay dahil sa severe dehydration dulot ng diarrhea.
Mula ang naturang biktima sa barangay Morocborocan na isang isolated na lugar kung saan nadala pa sa ospital subalit hindi na nakuha pang mailigtas.
Aminado si Sabater na pahirapan ang pagbiyahe sa lugar papuntang poblacion kung saan nakatayo ang Rapu-rapu District Hospital, lalo na ang mga mula sa coastal barangays dahil sa malalaki at malalakas na alon sa dagat dulot ng habagat.
Ito ang dahilan kung bakit hindi agad nadadala sa ospital upang maagapan ang mga nakararanas ng sintmas ng naturang sakit.
Kaugnay nito, tuloy-tuloy din ang mga isinasagawang interventions ng tanggapan upang makontro ang pagdami pa ng kaso ng diarrhea sa lugar.
Kabilang na rito ang paglagay ng chlorinator sa mga water supply system upang matiyak na malinis na tubig ang kinukunsumo ng mga residente.
Sa ngayon ay umakyat na sa apat ang kabuuang bilang ng mga namatay dahil sa diarrhea habang nasa 109 naman ang kaso.