LEGAZPI CITY – Nagsasagawa ng iba’t-ibang hakbang ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Bulan sa Sorsogon upang turuan ang mga residente sa pagresponde sa mga aksidente.

Ayon kay Emmanuel Gosim ng responder ng Bulan MDRRMO sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, isinailalim sa training ang mga residente na nakatira malapit sa kalsada para sa pagbibigay ng first aid.

Ito ay upang agad na mailigtas ang buhay ng mga motoristang nasasangkot sa mga aksidente habang wala pa ang responde ng mga rescuers.

Maalala na nitong mga nakalipas na araw, sugatan ang dalawang sakay ng kotse mula Metro Manila matapos itong sumalpok sa isang kahoy sa naturang bayan.

Lumalabas sa inisyal na impormasyon na nakatulog ang driver ng kotse kaya nawalan ng kontrol hanggang sa bumangga sa isang kahoy.

Masuwerteng minor injuries lang ang natamo ng mga nito.

Umaasa si Gosim na sa pamamagitan ng nasabing training sa pagbibigay ng first aid ay mas maraming buhay ang mailigtas sa aksidente.