LEGAZPI CITY—Binigyang-diin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na ang mga kasalukuyang naitatalang pagyanig sa Albay ay maituturing pang aftershocks ng nakaraarang 5.3 magnitude na lindol na tumama sa bayan ng Sto. Domingo ng naturang lalawigan.
Ayon kay Dr. Winchelle Ian G. Sevilla, Chief ng PHIVOLCS Seismological Observation and Earthquake Prediction Division, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang mga aftershock na ito ay hindi tatagal nang ilang buwan ngunit maaaring maranasan pa nang ilang araw o linggo.
Aniya, karamihan sa mga aftershock ay maliliit lamang at hindi nararamdaman ng mga mamamayan.
Batay rin sa kanilang mga pagsubaybay sa aktibidad, wala silang nakikitang magkakaroon ng lindol na mas malakas pa sa 5.3 magnitude noong nakaraang buwan.
Bago pa man aniya ang 5.3 magnitude na ay nakapagtala na rin ang ahensya ng mga earthquake swarms sa lalawigan.
Dagdag ni Sevilla, na dati nilang tinitingnan ang mga ganitong pangyayari at sinusuri rin kung hudyat ito na muling sasabog ang bulkang Mayon.
Nilinaw ng opisyal na ang Pilipinas ay prone sa mga lindol dahil ito ay matatagpuan sa Pacific Ring of Fire.
Samantala, pinayuhan din nito ang publiko na suriin ang structural integrity ng mga gusali, lumahok sa mga earthquake drill upang may ideya kung ano ang maaaring gawin sakaling magkaroon ng malakas na lindol at kumuha lamang ng impormasyon mula sa mga awtorisadong ahensya, local government units, at media partners upang maiwasan ang mga fake news tungkol sa lindol.











