LEGAZPI CITY – Kasabay ng pagdagsa ng mga bumibista sa Legazpi City para masaksihan ang magandang view ng nag-aalburotong Bulkang Mayon ay ang paglobo rin ng mga nagkalat na mga basura sa lungsod.
Isa ang Barangay Tamauyan sa Legazpi sa pinupuntahan ng mga tao para makita ang ganda ng bulkan.
Subalit sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Task Force Kalinigan Head Andy Marbella, napag-alaman na basta na lamang iniiwan at itinatapon kung saan-saan ng mga bumisita sa lugar ang mga pinagkainan.
Makikita na nagkalat ang mga basura sa kalsada maging sa mga palayan sa lugar na inirereklamo naman ng mga residente.
Dahil dito, gumawa na ng aksyon ang Task Force Kalinigan at naglagay ng mga basurahan sa lugar upang maiwasan ang pagtapon ng mga basura kung saan-saan.
Maliban dito, isinaayos din ang pwesto ng mga nagtitinda sa lugar upang iisang lugar lamang ang bilihan ng mga mamimili.
Ayon kay Marbella, mayroon nang nakabantay at nakamonitor na mga ecoaid sa lugar upang matiyak na naitatapon ng tama ang basura at nasesegregate ng maayos.