LEGAZPI CITY – Muling nanawagan ang isang grupo ng mga mangingisda na sampahan ng kasong kriminal ang may-ari ng M/T Princess Empress na lumubog sa karagatan ng Oriental Mindoro noong Pebrero 2023.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PAMAKALAYA Secretary General Buddy Grance, napakalaking perwisyo ang iniwan ng nangyaring oil spill sa lugar na hanggang ngayon ay nagdudulot pa rin ng pahirap sa mga residente partikular na sa mga mangingisda.

Ayon kay France, 80% ng mga apektadong residente sa lugar ay hindi pa nabibigyan ng kompensasyon ng may-ari ng naturang barko.

Aniya dati ay umaabot sa mahigit P700 ang kinikita ng mga mangingisda sa Oriental Mindoro subalit ngayon ay nasa P150 na lamang na hindi naman kayang makabuhay ng pamilya.

Kaya dapat lang na tapatan ng may-ari ng lumubog na barko ang nawalang kita ng mga mangingisda sa kada buwan na tumatagas ang langis sa naturang karagatan.

Inihayag ni France na kaunti na lang ang nahuhuling isda sa lugar dahil sa pagkasira ng mga bahura o corals na posibleng abutin pa ng ilang taon bago tuluyang makarekober.

Dahil dito, mahigpit na panawagan ng grupo na makialam na ang pamahalaan upang mapabilis ang pagsampa ng patong-patong na kasong kriminal sa may ari ng barko, kasama na ang mga corporate officers, ilang empleyado, 19 na tauhan ng Philippine Coast Guard at dalawang opisyal ng Maritime Industry Authority.