LEGAZPI CITY – Nakatakdang sumailalim sa training workshop ang mga magulang ng mga mag-aaral ng Donsol West Central School sa Sorsogon sa darating na Lunes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Ryan Homan, principal ng Donsol West Central School, kasabay ng pagsisimula ng Brigada Eskwela ang pagbubukas din ng Brigada Pagbasa.
Sa ilalim nito, tuturuan ang mga magulang ng sound method, marungko approach, fuller technique para sa beginning reading at numeracy program.
Nilalayon nito na mabigyang kaalaman ang mga magulang na hindi alam ang tamang proseso ng pagtuturo kaugnay sa pagbabasa.
Sa pamamagitan nito matutugunan ang pangangailangan ng mga bata na mahasa ang kakayahan sa pagbasa, pag-unawa at pagbilang kahit nasa bahay.
Nakatutok ang aktibidad na ito sa mga batang nasa grades 1, 2 at 3.
Ayon kay Homan, mahalaga ang ganitong mga programa upang pagdating ng pasukan ay marunong ng magbasa o magbilang ang mga mag-aaral.
Kaugnay nito, malaki ang posibilidad na mabawasan ang illiteracy at mapataas ang literacy rate ng mga kabataan.