LEGAZPI CITY – Naramdaman na ng mga mangingisda sa Pilipinas ang epekto ng El Niño.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Zenaida Soriano ang National Chairperson ng Amihan National Federation of Peasant Women, maraming mga lugar ang kinakapos na ngayon ng patubig dahil sa malimit na pag-ulan at patuloy na pag-init ng panahon.

May mga magsasaka na rin ang nagrereklamo na wala ng patubig mula sa mga dam dulot ng pagbagsak ng lebel ng tubig at pagtitipid na ipinapatupad ng gobyerno.

Nababahala rin ang grupo na kakapusin ng produkto ang bansa lalo na ng suplay ng bigas kung hindi masosolusyunan ang problema sa El Niño.

Pinuna naman ng grupo ang umano’y kakulangan ng suporta ng gobyerno dahil karaniwang sa mga kooperatiba lang nakakarating ang ibinibigay na ayuda at walang natatanggap ang mga naghihirap na mga magsasaka.

Panawagan ng grupo na magkaroon ng mga programang makakatulong sa mga lugar na nakararanas ng epekto ng tagtuyot tulad ng pamamahagi ng binhi ng palay o mga pananim na kayang mabuhay sa mainit na panahon.

Ayon kay Soriano, panahon na upang magpatupad ng modernisasyon sa pagtatanim sa Pilipinas tulad ng ginagawa sa ibang mga bansa na nakakasabay na sa mga makabagong teknolohiya.