LEGAZPI CITY – Nag-abiso ang Department of Agriculture (DA) Bicol sa mga magsasaka na anihin na ang mga maaari nang mapakinabangan bilang paghahanda sa Bagyong Ambo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DA Bicol spokesperson Emily Bordado, sinabi nitong habang hindi pa lumalakas ang mga pag-ulan na inaasahang mararanasan sa rehiyon, may panahon pa upang maisalba ang ilang palay na aanihin.
Ang mga nasa 80 hanggang 85% na hinog ang maari na umanong anihin kaysa masayang kung malubog sa baha.
Tiyakin rin ang pagkain ng mga alagang hayop bago ilikas sa mas ligtas na lugar.
Aminado si Bordado na maraming masasayang na mga pananim lalo na ang mga hindi pa maaring anihin.
Subalit tiniyak ng opisyal na may sapat na buffer stock ng mga binhi ang DA at may inihahandang pondo para sa mga magsasakang maapektuhan upang muling makabangon.